Una sa Balita

24 banyaga sinipat sa coronavirus

0 249

UMAKYAT na sa 24 ang person under investigation (PUI) sa novel coronavirus.

Ito ang kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III pero sa kabila nito nanatili pa ring ligtas ang Pilipinas sa bagong strain ng coronavirus.
Tatlo umano sa 24 PUI ang na-discharge na ng hospital at tiniyak ni Duque na ang mga ito ay banyaga pero karamihan ay Chinese national.

Sinabi ng kalihim na walang basehan ang mga ipinakakalat na haka-haka na nakapasok na ang novel coronavirus sa bansa.

“Walang basehan magdudulot lamang ito ng pangamba at hindi po ito maganda sa ating lipunan,” ayon kay Duque.

Iginiit pa ni Duque na lahat ng impormasyon na manggagaling sa DOH ang mananaig kaya dapat na huwag patulan ang anumang impormasyon at magtanong muna sa DOH.

“It will not serve good in our society and in our people,” dagdag pa ni Duque.

Sinabi naman ni Manila City health officer Dr. Arnold Pangan, base na rin sa nakuhang kumpirmasyon kay DOH Epidemiology Bureau Director Dr. Ferchito Avelino na negatibo sa novel coronavirus ang tatlong Chinese national na dinala sa San Lazaro Hospital kamakalawa nang hapon.

Ang resulta umano ay nakatakdang ipadala sa Melbourne, Australia para masuri kung anong strain ng coronavirus ang kumapit sa kanila.

Nabatid na dalawa sa tatlong Chinese national ay nanggaling sa Wuhan, China kung saan nag-umpisa ang outbreak ng naturang virus. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More