Una sa Balita

21 SSS Execs kinasuhan sa P145M kontrata

Ipinasisibak din sa Ombudsman

By
0 11,287

Dahil sa pagbibigay diumano ng media contracts na hindi dumaan sa tamang proseso, kinasuhan kahapon sa Office of the Ombudsman ni Social Security System (SSS) Commissioner Pompee La Viña, ang 21 kapwa opisyal nito sa ahensiya sa pangunguna ni SSS Executive Vice President Rizaldy Capulong.

Maliban kay Capulong, idinawit din kasong serious dishonesty, gross neglect, grave misconduct at paglabag sa procurement law sina Senior Vice Presidents May Catherine Ciriaco, at Josefina Fomilos, Vice Presidents Eleonor Cinco, Jean Lagrada, Helen Abolencia, Johnsy Mangundayao.

Kasama rin sina Guillermo Urbano, Jr., Antonette Fernandez at mga department manager na sina Renato Jacinto Cuisia, Geronimo Valesa, Joselito Vivit, Ma. Luisa Sebastian, Sonia Guinto, Normita Doctor, Belinda Ella, Haydee Raquici, Boobie Angela Ocay, Jocelyn Evangelista, Froilan Misa, at Nancy Santos. 

Abante Hiring – IT dep

Matatandaan na una nang kinasuhan ni La Vina, chairman ng Media and Communication Committee at Investment Oversight Committee ng SSS si Capulong at iba pang opisyal ng ahensiya dahil sa iregularidad sa stock market trading ng SSS stocks.

Sa reklamo ni La Viña nagkaroon umano ng multiple violations ng procurement law nang igawad ng mga opisyal ng SSS ang 253 media contracts na nagkakahalaga sa P145 milyon nang hindi dumaan sa tamang proseso ng procurement.

Lumilitaw na ang mga top manager ng Public Affairs and Special Events Division ng SSS na sina Ciriaco, Sebastian at Guinto ang siyang nagrekomenda ng media services ng iba’t ibang television, radio at print companies.

Nagkaroon umano ng kontrata nang hindi dumaan sa proseso dahilan para malugi ng ilang milyong pondo ang ahensiya.

Hindi umano maitatanggi na may nakinabang sa nasabing kontrata kaya ang apela nito sa mga kinasuhang opisyal ay magbitiw na lamang sa puwesto.

Kung hindi umano kusang magbibitiw ang mga nabanggit na opisyal ay kanyang hihilingin sa Ombudsman na magpalabas ng preventive suspension at kalaunan ay dismissal order laban sa mga naturang opsiyal.

Maliban sa kasong administratibo ay naghahanda rin ng kasong kriminal si La Vina laban sa mga nabanggit na opisyal.