Una sa Balita

21 mamemeke ng dokumento sa Recto, arestado

By
0 195

BINITBIT ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang may 21 katao na sangkot sa pamemeke ng mga dokumento, kamakalawa nang hapon sa Recto Ave. na malapit sa Quezon Blvd., Sta. Cruz, Maynila.

Ikinasa ang operasyon dakong alas-singko nang hapon ng mga tauhan ng MPD-Police Station 3 (PS3) sa pamumuno ni P/Supt. Julius Caesar Domingo, matapos na magpanggap ang ilang pulis na magpapagawa ng mga pekeng identification card (ID).

Kabilang sa mga inaresto ay sina Cristhy Quero, Arnel Ace Robles alyas ‘Toto’, Reina Ann Apostol alyas ‘Ann’, Cherry Ann Pendon alyas ‘Cherryann’.

Abante Hiring – IT dep

Gayundin sina Tess Lim, Joseph, Ernesto, Noli Agustin, Rosalie Miranda, Reynaldo Martinez, Kim Soliman, Jenny Gatdula, Maricel Ligon, Amado Depalto Jr., Enrique Saloba, Jomarie Yee, Richard Alba, Marjoe Mangabat, Joan santos, John Mark Tubis, Joebert Hovilla, at Alvin Regala.

Ang pagkakadakip sa mga suspek ay resulta ng pinagsanib na puwersa ng intelligence, Alvarez Police Community Precinct (PCP), Blumentritt PCP ng MPD-PS3 sa pamumuno ni Domingo, kaugnay sa anti-criminality campaign ng Philippine National Police (PNP).

Nagpanggap na kustomer ang ilang pulis na bibili ng pekeng ID at iba pang dokumento ng paaralan, at saka hinuli ang mga suspek nang mapasakamay na ng mga pulis ang mga dokumento .

Nakuha ng pulis­ya ang mga pekeng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ID at Transcript of Record (TOR); pekeng Universidad de Manila ID; Pekeng PNP ID at pekeng dalawang Official Receipt (OR) ng Land Transportation Office (LTO), dalawang pekeng drivers license at isang Certificate of Registration (CR).

Sinampahan ng kasong paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o ang falsification of public and private documents at Revised Ordinance 8092 o an ordinance revising the traffic code of the City of Manila ang mga suspek dahil sa obstruction sa kalsada ang kanilang mga puwesto. (Juliet da Loza)