21-anyos na sundalo niratrat sa harap ng asawa

By

Apat na tama ng bala ang tumapos sa buhay ng isang bagitong sundalo matapos itong pagbabarilin ng isang hindi pa kilalang lalaki sa harapan ng kanyang asawa sa loob ng isang videoke bar kamakalawa ng gabi sa Sorsogon City.

Kinilala ang nasawing biktima na si Marklyn Moral Baliza, 21, naka-assign sa 903rd Brigade ng Philippine Army at pansamantalang nanunuluyan sa Barangay Bitan-o ng nasabing siyudad.

Apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa kalibre .45 baril na ginamit ng hindi pa kilalang suspek na nakasuot ng sombrero, may taas na 5’2 at maliit ang pangangatawan.

Sa salaysay ni Marjorie Baliza, asawa ng biktima, dakong alas-9:45 ng gabi habang masaya silang nagkakantahan ng kanyang asawa sa La Fang Videoke Bar na matatagpuan sa Barangay Balogo ng lungsod na ito nang pumasok ang suspek at paglapit nito sa biktima ay sunud-sunod na binaril ang kanyang asawa.

Matapos masigurong wala nang buhay ang sundalo ay agad itong tumakas patungo sa nag-aabang na kasamahan lulan ng motorsiklo.

Samantala humingi na ng permiso ang pulisya para makakuha ng kopya ng closed circuit television camera (CCTV) ng nasbing videoke bar upang mamukhaan ang gunman habang patuloy ang imbestigasyon para sa motibo ng pamamaslang.

SHARE