Namumuti na ang mata ng mga opisyal ng Department of Energy (DOE) sa kahihintay na bayaran ng Solar Philippines Power Project Holdings Inc. (SPPHI) ng bilyonaryong kongresistang si Leandro Leviste ang P24 bilyong multang ipinataw ng gobyerno sa kompanya.
Sa pagdinig ng House committee on appropriation sa panukalang budget ng DOE nitong Miyerkoles, inurirat ni Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang P24 bilyong multa sa Solar Philippines.
“My questions relate to Solar Philippines. Recently may nakita akong interview ninyo where nabanggit ninyo na ang amount na dapat ibabalik sa gobyerno ay umaabot sa P24 billion, did I get that figure correct?” tanong ni Diokno.
Inayunan naman ito ni DOE Secretary Sharin Garin kaya tinanong ito ng mambabatas kung magkano na ang narekober ng ahensiya sa nasabing halaga mula nang ipataw ang multa noong Enero 2026.
“P80 million, Mr. Chair,” sagot ni Garin.
“P80 pa lang? Ano ang plano natin para maibalik ‘yung balanse niyan?” tanong uli ni Diokno.
Sa paliwanag ni Garin, nasa kamay na umano ng Department of Justice, at ma¬ging sa Office of the Solicitor General ang nasabing isyu para sa civil at criminal case laban sa Solar Philippines.
“The purpose of these cases is also to recover the P14 billion in expired bonds, tama ba iyon?” tanong pa ni Diokno na inayunan ni Garin.
Magugunita na ipinataw ng DOE ang nasabing multa dahil sa kabiguan ng kompanya ni Leviste na mai-deliver ang target na 11,000-megawatt ng kuryente sa 30 service contract sa gobyerno.
Inusisa rin ni Diokno kung bakit hindi ipina-blacklist ng DOE ang SPPHI na sinagot naman ni Garin na wala silang circular para mag-blacklist o magsuspinde ng power firm pero mayroon na umano silang binabalangkas na regulasyon. (Bernard Taguinod)









