WebClick Tracer

P14M puslit na sigarilyo naharang

Arestado ang isang driver at pahinante matapos maharang ang kanilang sasakyan na may kargang tinatayang P14 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo sa Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte noong Martes.

Kinilala ni Police Maj. Albert Carbungco, hepe ng Parang Municipal Police Station, ang mga suspek sa alyas na “Jamalodin,” driver, at helper nitong si alyas “Abdila.”

Una umanong sinabi ng dalawa na mga niyog ang kanilang karga.

Gayunman, napansin ng mga operatiba ang malalaking karton sa loob ng sasakyan at nang suriin, tumambad ang mga kahon ng sigarilyo.

Hindi umano nakapagpakita ang driver ng kailangang dokumento para sa kargamento kaya inaresto sila at isinailalim sa kustodiya ng mga awtoridad ang sasakyan.

Ayon kay Carbungco, nakatakdang i-turn over sa Bureau of Customs (BOC) ang mga kontrabando para sa kaukulang disposisyon. (Jun Mendoza)