Isang refrigerator ang pinaniniwalaang pinagmulan ng sunog sa pantry ng tanggapan ni Manila Vice Mayor Chi Atienza sa ikalawang palapag ng Manila City Hall sa Ermita kahapon ng umaga.
Ayon kay Atienza, natukoy ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nag-spark ang refrigerator sa pantry ng kanyang opisina matapos itong maisaksak sa electrical outlet na sinabayan umano ng lumang mga kable at saksakan sa gusali.
Unang naiulat ang sunog bandang alas-5:35 ng umaga, idineklarang under control bandang alas-6:15 ng umaga bago tuluyang naapula ganap na alas-6:21 ng umaga.
Samantala, sinabi ni Atienza na maglalagay siya ng pansamantalang work area sa labas ng kanyang opisina upang magpatuloy ang mga serbisyong medikal para sa mga Manileño.
Patuloy aniyang bukas ang Manila City Hall at operasyon ng mga tanggapan nito sa kabila ng insidente.
“Ilalaban po natin na walang magagambalang operasyon,’’ giit ng vice mayor.
Samantala, sinabi ni Atienza na bago pa man ang insidente, nag-usap na sila ni Mayor Francisco Ïsko Moreno”Domagoso na napapanahon na para i-rehabilitate o magkaroon ng major renovation sa Manila City Hall para matiyak na ligtas ang mga empleyado at kawani ng City hall.












