Libre na simula nitong Setyembre 2 ang toll fee sa lahat ng sasakyang dadaan sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) na apektado ng matinding traffic dahil sa pagbaha sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, utos ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para matulungan ang mga motorista at pasaherong matagal nang naiipit sa traffic.
“Free toll sa NLEX para sa lahat ng sasakyan,” ani Castro sa Malacañang press briefing.
Sakop ng libreng toll ang mga sasakyang bibiyahe mula Pulilan, Bulacan hanggang San Fernando, Pampanga, at vice versa. Magpapatuloy ang toll waiver hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon sa NLEX.
Inatasan naman ng Toll Regulatory Board ang NLEX Corporation na maglabas ng advisory, at rerouting option tatlong oras bago bumuhos ang ulan at magdulot ng ma¬tinding trapik sa expressway. (Prince Golez/Angelica Cabral)









