Tuloy na ngayong Huwebes, Setyembre 3, ang naudlot na national simultaneous school safety drill sa mga eskwelahan sa kabila ng pagtutol ng psychiatric associations.
Ayon sa Department of Education (DepEd), tututukan ng drill ang kahandaan sa insidente ng karahasan habang tinitiyak ang kaligtasan ng mga makikiisa sa aktibidad.
Tiniyak naman ni DepEd Secretary Sonny Angara na ipinagbabawal sa drill ang pagdadala ng anumang armas o paputok maging ang artificial casualties o iyong magpapanggap na nasawi.
Ipinaliwanag ni Angara, layon nitong maging kalmado sa halip na takot ang manaig sa mga insidente ng karahasan tulad ng nangyari sa ilang eskuwelahan, at maitanim ito sa kanila sa pamamagitan ng tamang gabay.
Pagkatapos ng drill ay may medical at mental health partners na magpapaliwanag tungkol sa ganitong uri ng insidente.









