May tumitinding away ngayon sa industriya ng bakal sa bansa.
Nauwi na nga sa away negosyo ang dapat sana ay kampanya laban sa mga hindi ligtas na produkto matapos ang tila pagkampi ng kinauukulang ahensya sa iisang kumpanya habang pinapahirapan ang iba.
May kinalaman ang away-negosyo sa dalawang grupo ang: Philippine Iron and Steel Institute (PISI),na kasama ang pinakamalaking producer ng bakal na SteelAsia at ang Philippine Induction Smelting Industry Association (PISIA) na binubuo ng iba’t ibang kumpanya ng bakal.
Lingid sa kaalaman nating mga ordinaryong mamamayan ay matagal na palang may mainit na isyu sa sistema ng paggawa ng bakal.
Noong 2018 ay hiniling ng PISI sa gobyerno na ipagbawal ang paggawa ng bakal gamit ang “induction furnace”, isang proseso ng pagtunaw ng lumang bakal gamit ang electromagnetic induction sa halip na ang nakasanayang electric arc.
Sa halip na paboran ang kahilingan ng PISI ay nagdesisyon ang Department of Trade and Industry (DTI) na huwag itong i-ban at iginiit na kailangan lamang na sumusunod ang mga produkto sa tamang pamantayan o Philippine National Standards (PNS).
Dahil dito, hindi itinuring na ilegal ang operasyon ng mga plantang gumagamit ng naturang sistema.
Gayunman, pumasok sa eksena ang isang inter-agency task force sa pangunguna ng Department of National Defense (DND) sa ilalim ni Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., kasama ang PAOCC, NBI, at AFP.
Sunud-sunod ang ginawang pagsalakay sa mga planta ng mga miyembro ng PISIA sa kabila ng katotohanang pinayagan ito ng DTI na gamitin ang sistema.
Mistulang nagkakatakutan na rin dahil sa pakikisawsaw ng DND. Nakakatakot na tila ginamit na puwersa ng panggigipit ang militar sa isang simpleng usapin sa negosyo.
Nakaagaw na ito ng atensyon ng publiko. Bakit umentra ang DND? Bakit kailangang umeksena ang militar at pinahihirapan ang mga kalaban ng SteelAsia?
Kung wala namang ilegal sa operasyon ng mga ginigipit na kumpanya ng bakal, hindi sila dapat pakialaman sa malayong pagnenegosyo. Siyempre, ibang usapan kung may ilegal. Iba ring usapan kung may panganib na inihahatid sa seguridad ng bansa o kalusugan ng publiko ang kinukuwestyong sisteman.
Kung walang panganib na nakaamba mula sa mga kumpanya ng baka, ang ginagawang pambabarako ng militar ay nakakatakot na pangitain. Hindi umiiral ang batas militar sa kasalukuyang administrasyon kaya hindi dapat ginagamit ang militar sa pananakot.
Gaano katotoo ba na nahaluan na ng personal na isyu ang away sa industriya ng bakal? Gaano katotoo na ang Chairman at CEO ng SteelAsia na si Benjamin Yao ay dating kaklase ni Secretary Teodoro sa Xavier School?
Eh ano naman kung kaklase? Kailangan bang kampihan ang kaklase? Malaki ang respeto natin kay DND Sec Teodoro kaya sana’y hindi totoong nagpapagamit siya sa kanyang kaklase.
Maaring hindi naman alam ni Sec. Teodoro na nagagamit na ang kanyang tanggapan? Paano ipapaliwanag ng tanggapan ni Gibo ang mga sunud-sunod na raid tulad ng nangyari sa Misamis Oriental kung saan 69 na banyagang manggagawa ang inakusahang may kinalaman sa ilegal na operasyon at iba pang paratang, at sapilitang ipinasara ang planta.
Kalaunan ay gumitna ang Department of Justice at ipinag-utos ang pagpapalaya ng mga naarestong empleyado ng planta ng baka dahil sa kawalan ng ebidensya. Malinaw na nagkakaroon ng pambabarako, nagagamit ang mga ahensya ng gobyerno na hindi naman dapat talaga nakikisawsaw sa industriya. Nasaan na ang malayang pagnenegosyo?
Linawin din natin kung gaano katotoo ang sinasabing “radioactive materials” sa mga nire-raid na planta ng bakal. Totoo ba ito o ginagamit lamang na isyu para magkatakutan. Hindi simpleng isyu ang pagkakaroon ng radioactive materials kaya kailangang linawin ito ng DND sa publiko. Pero hindi rin uubra kung akusasyon lamang ang lahat kailang magkalabasan ng ebidensya lalo’t ginagamit itong dahilan para i-raid ang ibang planta dahil daw sa panganib nito sa publiko.
Dapat nang makialam ang Philippine Competition Commission (PCC) para malaman kung may nalalabag na batas. Linawin nila kung bakit nagkakagipitan gamit ang ilang ahensya ng gobyerno.
Nakakatakot ang ganitong senaryo dahil iiwasan tayo ng mga dayuhang mamumuhunan na gustong magnegosyo sa ating bansa kung kuwestyunable ang kalayaan sa pagnenegosyo at kung nagkakaroon ng isyu sa kumpetensya sa merkado.













