Inalerto ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang mga residente sa paligid ng Laguna de Bay matapos na lumampas na ito sa critical high-water level bunsod ng patuloy na pag-ulan.
Ayon sa LLDA, umabot sa 12.67 metro ang water level ng lawa bandang alas-10 ng umaga noong Martes, mas mataas sa 12.50-meter critical level, dahil sa tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan dulot ng habagat at umiiral na Low Pressure Area (LPA).
Noong nakaraang linggo pa umabot sa critical level ang lawa bago muling tumaas sa 12.58 metro noong Sabado, Agosto 29.
Pinayuhan ng LLDA ang mga residente sa mga baybaying komunidad na manatiling alerto, subaybayan ang mga opisyal na abiso at maghanda sa posibleng pagbaha.
Nanawagan din ang ahensya na sumunod ang mga residente sa ilalabas na evacuation protocols ng mga lokal na pamahalaan sakaling magpatuloy ang malakas na pag-ulan.
Ayon sa weather bureau, maaaring magdala ng malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon ang habagat na pinapalakas ng Tropical Storm Pilandok, na maaaring magpalala sa pagbaha sa mga mabababang lugar sa paligid ng Laguna de Bay. (Ronilo Dagos)












