Patay ang isang Amerikano at ang kanyang asawang Pinay matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bajumpandan, Dumaguete City kahapon ng umaga.
Tumanggi muna si Capt. Stephen Polinar, tagapagsalita ng Negros Oriental Police Provincial Office, na kilalanin ang mga biktima habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente at bilang respeto na rin umano sa privacy ng pamilya ng mag-asawa.
Aniya, bandang alas-4:00 ng umaga nang pagbabarilin ang mag-asawan sa loob ng kanilang bahay pero naireport sa Dumaguete City Police Station ang insidente bandang alas-6:08 ng umaga.
Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang pumasok at bumaril sa mga biktima bago mabilis na tumakas.
May natukoy nang person of interest ang pulisya kaugnay ng krimen pero hindi pa malinaw ang motibo sa pamamaril.
Tumanggi rin ang mga awtoridad na tukuyin kung pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil patuloy pa anila ang kanilang pagsisiyasat.
Patuloy ang follow-up investigation at pangangalap ng ebidensya upang matukoy at maaresto ang mga suspek.












