WebClick Tracer

Kahit sobrang pagod na, Obiena naka-silver pa rin

BINALEWALA ni two-time Olympian Ernest John Obiena ang nararamdaman nitong pagkapagod tungo sa pagwawagi sa karagdagang pilak na medalya sa men’s pole vault event sa Domspringen Wesel Internationales Stabhochsprungmeeting Am Großen Markt, Willibrordi-Dom event sa Wesel, Germany.

Nalampasan ng 30-anyos na Asian record holder na si Obiena ang 5.75m metro upang dagdagan ang kanyang koleksiyon sa outdoor season habang pinaghahandaan ang kanyang pagsabak at pagtatanggol sa kanyang titulo sa nalalapit na ika-20 edisyon ng Asian Games sa Aichi-Nagoya sa Japan.

Nakamit naman ni Robin Emig ng France ang ginto sa natalon nitong 5.80 metro habang pangatlo si Cole Walsh ng USA na may 5.70-meter clearance.

“5.75m here is Wesel for (silver),“ sabi lamang ni Obiena. “Rough rough day and tiredness eventually caught up after 6 competition this last 14 days. Took too many mistakes at the earlier bars and paid the price.”

Huling nagwagi si Obiena sa ISTAF Berlin 2026 sa pagwawagi sa gintong medalya sa Olympiastadion Berlin noong Agosto 30 sa paglampas sa 5.82 metro. (Lito Oredo)