Binomba ng Iran ang ilang pasilidad at interes ng Amerika sa Middle East kahapon bilang ganti sa serye ng pag-atake ng US sa una.
Iniulat ng Iranian media na pinuntirya ng Iran ang dalawang base ng US sa Jordan.
Ayon naman sa Jordanian military, 10 ballistic missiles mula sa Iran ang kanilang naharang habang tatlo pa ang bumagsak sa mga liblib na lugar.
Iniulat din ang mga pag-atake sa Kuwait, Bahrain at Iraq. Sinabi ng Iranian Revolutionary Guards na inatake nito ang mga puwersang Amerikano sa isang air base sa Bahrain at mga base ng US sa Kurdistan region ng Iraq.
Ang pagganti ng Iran ay kasunod ng panibagong airstrike ng US laban sa mga target ng Iran, kabilang ang mga pasilidad ng Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC) malapit sa Strait of Hormuz.
Ayon sa US, isinagawa ang mga pag-atake matapos umanong tangkaing atakihin ng Iran ang commercial shipping at mga sundalong Amerikano sa rehiyon.
Samantala, sinabi ng Iranian Red Crescent na apat na katao, kabilang ang isang bata, ang nasawi at mahigit 50 ang nasugatan nang tamaan ng missile ang isang bahay na pinagdarausan ng kasal sa Kuhestak, southern Iran.
Nagbabala ang Iran na mas matindi pa ang magiging tugon nito sa mga bansang tutulong sa operasyon ng US.
Samantala, nagbanta rin si US President Donald Trump ng mas malalakas na pag-atake ang ilulunsad nila sakaling ipagpatuloy ng Tehran ang pagganti.









