WebClick Tracer

GStocks PH gamit ng 2M Pinoy sa gitna ng paglago ng online stock investing

Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Stock Exchange (PSE), umabot ng 3.64 milyon ang stock market accounts noong 2025 tanda ng pagdami ng mga Pilipinong namumuhunan sa stock market sa pamamagitan ng online platforms.

Batay sa 2025 Stock Market Investor Profile Report ng PSE, tumaas ng 27.3% ang kabuuang bilang ng stock market accounts mula sa 2.86 milyon noong nakaraang taon. Sa mga ito, 99.2% o 3.61 milyon ay pagmamay-ari ng retail investors.

Nasa 3.22 milyon naman ang online retail accounts na gumagamit ng digital trading platforms at e-wallets na kumakatawan sa 30.5% paglago kumpara noong 2024.

Kasabay ng pagdami ng online investors, iniulat ng GCash na mahigit 2 milyong Pilipino na ang gumagamit ng GStocks PH, ang stock investing platform nito, na pinapatakbo sa ilalim ng AB Capital Securities Inc.

Ayon kay GCash Wealth Management General Manager Darvin Sy Su, katumbas ito ng mahigit kalahati ng lahat ng online retail stock market accounts sa bansa.

Ibinahagi ni Sy Su ang datos sa isang investor relations forum na inorganisa ng Shareholders’ Association of the Philippines (SharePHIL), kung saan tinalakay rin ang lumalawak na paggamit ng digital platforms sa investing at ang kahalagahan ng financial literacy sa pag-akit ng mas maraming retail investors.

Sinabi ni Sy Su na bagama’t mahalaga ang madaling access sa investment products tulad ng stocks, bonds at funds, kailangan ding mapalawak ang kaalaman ng mga Pilipino tungkol sa pamumuhunan upang magkaroon sila ng kumpiyansang magsimula.

“Kinikilala namin na hindi sapat ang pagbibigay ng madaling access sa application upang mahikayat ang mas maraming Pilipino lalo na ang mga baguhan sa digital financena mamuhunan sa stocks, bonds, at funds. Mahalaga ring mabigyan sila ng kaalaman at malalim na pag-unawa upang makagawa ng mas matalinong desisyong pinansyal,” sabi ni Sy Su.

Ayon pa sa kanya, mas mataas ang posibilidad na magsimulang mamuhunan ang mga tao kapag mas nauunawaan nila ang mga produkto at panganib na kaakibat nito.

Bukod sa stock investing, sinabi rin ng GCash na mayroon na itong 8.8 milyong rehistradong GFunds users, habang malaking bahagi ng unit investment trust fund (UITF) transactions sa bansa ay isinasagawa sa pamamagitan ng platform nito.

Patuloy rin umano nitong pinalalawak ang mga investment offerings kabilang ang pagpapahusay ng GStocks para sa stock trading at IPO investing, paglulunsad ng AI-powered Pera Coach, at paghahanda para sa sandbox launch ng GStocks Global kasama ang Securities and Exchange Commission (SEC).