Himas-rehas na ang isang babaeng itinuturong utak sa pagpaslang sa kanyang amang negosyante at live-in partner nito sa Mauban, Quezon noong nakaraang linggo.
Kinilala ng pulisya ang pangunahing suspek na si Aira Manaog Teves, alyas “Ineng,” na naaresto sa follow-up operation.
Itinuro si Teves, anak ng resort owner na si Nestor Manaog, bilang utak sa pagpatay sa huli at live-in partner nito sa kanilang bahay sa Mauban, Quezon. Hindi pa tinutukoy ang motibo ng umanoý suspek sa krimen.
Batay sa imbestigasyon, lumitaw na may alok umanong P250,000 para ipapatay ang negosyante. Una umanong kinausap si Kim Ravina Torres, 30, na kalaunan ay nakipag-ugnayan kay Mervin Refil, na pumayag umanong isagawa ang krimen kapalit ng P100,000.
Nauna nang naaresto si Refil ilang oras matapos ang insidente habang kusang sumuko si Torres sa Mauban Police noong Agosto 31.
Itinuturing din ng pulisya si Randy Hilahan, alyas “Rambo” bilang lookout at patuloy itong pinaghahanap. Kabilang naman sa mga inihahandang kasuhan si Randelle Ursua, alyas “Bunganga.”
Ayon sa pulisya, inihahanda na ang kasong parricide at murder laban kay Teves habang double murder naman ang ikakaso kina Torres, Hilahan at Ursua.
Patuloy ang imbestigasyon at paghahanap sa iba pang posibleng sangkot sa krimen. (Ronilo Dagos)












