BINIGYANG kasiyahan ni World No. 18 Alexandra “Alex” Eala ang kanyang mga nanood na kababayan at mga tagahanga sa kanyang unang laban matapos na walisin ang Amerikanang qualifier na si Mary Stoiana, 6-1, 6-2, sa Louis Armstrong Stadium nitong Martes (Miyerkoles sa Pilipinas) upang makapasok sa ikalawang round ng US Open sa ikalawang sunod na taon.
Agad na nakontrol ng 21-anyos na Globe Ambassador at seeded No. 17 na si Eala ang laban sa pagtala ng 5-0 abante sa unang set bago tinapos, 6-1.
Patuloy niyang diniktahan ang laro sa ikalawang set at sa huli ay naselyuhan ang tagumpay sa pagwawalis sa laban sa pagkuha sa anim na break points na kanyang hinarap sa laban.
Papasok si Eala sa ikalawang round, kung saan makakaharap niya si Oleksandra Oliynykova ng Ukraine, na tinalo ang Amerikanang wild card na si Reese Brantmeier, 6-4, 6-4, sa unang round.
Sisikapin din ng Pilipina na ipaghiganti ang kanyang pagkatalo sa 25-taong-gulang na si Oliynykova, na tumalo dito, 3-6, 7-5, 6-3, sa unang round ng WTA 500 Internationaux de Strasbourg sa France nakaraang Mayo.
Tulad ng inaasahan ay sinaksihan ng mga Pilipino ang kahanga-hangang resulta na muling nagbigay ng hindi malilimutan na kasiyahan sa kanyang debut sa US Open.
Isang taon ang nakalipas, ang hindi pa seeded si Eala, na noon ay nasa ika-71 puwesto sa mundo, siya ay nagtanghal ng kahanga-hangang pagbabalik upang talunin ang ika-14 na seed na si Clara Tauson ng Denmark, 6-3, 2-6, 7-6 (11), sa unang round ng huling Grand Slam ng taon.
Muli itong namasdan ng mga manonood sa Louis Armstrong Stadium na tampok ang isang malakas na grupo ng mga Pilipinong tagasuporta, kasama ang mga bandila ng Pilipinas na pumupuno sa mga stand habang si Eala ay nasa court.
“I know. The support I’ve been getting the past couple of days here in New York and honestly, and to be frank, everywhere around the world, thank you very much, fellow Filipinos,” sabi nito.
“I want to thank the community here in New York, the tennis fans who have, not just from the Philippines, but who have been making me feel so loved and who are so enthusiastic and contributing to the growth of women’s tennis,” sabi pa ni Eala sa interview.
Nauna nang nagharap sina Eala at Stoiana sa ikalawang round ng ITF W100 Koser Jewelers Tennis Challenge noong Agosto 2024 sa Landisville, Pennsylvania.
Nanalo si Eala, na noon ay nasa ika-147 puwesto sa mundo, sa magkasunod na set, 7-5, 6-2, laban kay Stoiana, na noon ay nasa ika-496 puwesto. (Lito Oredo)












