Kinumpirma ni dating Department of Education (DepEd) Undersecretary Michael Wesley Poa nitong Miyerkoles na walang ibinigay na confidential funds ang DepEd sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa Youth Leadership Summits (YLS).
Matatandaan na ang YLS ang tinukoy sa military certifications na isinumite ng DepEd sa Commission on Audit (COA).
Ginawa ni Poa ang pag-amin bilang hostile witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, na nagsilbing education secretary, kung saan gumastos ang DepEd ng P112.5 milyon sa confidential funds noong 2023.
Sa pagtatanong ni private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr. kung walang DepEd confidential funds ang ibinigay sa AFP para sa YLS, sinagot ito ni Poa ng: “Yes, sir. I confirm that.”
Ang kanyang testimonya ay nagpatatag sa mga naunang testimonya nina Army Col. Manaros Boransing II at Col. Magtangol Panopio, na ang YLS ay isang regular military activity, at ang kanilang unit ay hindi nakatanggap ng confidential fund ng DepEd para sa aktibidad na sakop ng sertipikasyon.
Binanggit pa ni Poa ang sinabi ng mga opisyal ng AFP na hindi nila alam na ang inisyu nilang sertipikasyon ay gagamitin pala sa liquidation ng DepEd sa pinaggamitan ng confidential fund.
“I remember them saying that, sir,” wika ni Poa.
Idinagdag pa ng hostile witness na binanggit umano ng isa o dalawang military officer na ang naturang certification ay ordinaryong iniisyu sa mga ahensiyang lumalahok sa YLS.
Ipinokus naman ng prosekusyon ang tanong kung bakit ginamit ang AFP certifications para masuportahan ang tugon ng DepEd sa inisyung Audit Observation Memorandum (AOM) hinggil sa mga rewards na binayad umano sa mga confidential informer.
Ipinaliwanag naman ni Poa na ang interpretasyon niya noong panahong iyon na ang impormasyong nakuha ng DepEd sa pamamagitan ng pagbabayad ng reward ay nakatulong umano sa militar na matukoy ang mga lugar para sa kanilang aktibidad.
Gayunman, inamin din ni Poa na wala siyang personal na kaalaman na aktuwal itong naganap.
“That is just my interpretation of the certification,” ani Poa. “Whether or not that is indeed the case, I really do not have personal knowledge of it.”
Kinumpirma rin ni Poa na noong una siyang tinanong kung saan nagmula ang umano’y kaugnayan ng confidential fund information at sa aktibidad ng AFP, binanggit nito na teorya lamang niya ito.
“Yes, sir,” pag-amin ni Poa. (Dindo Matining/Bernard Taguinod)









