Umakyat na sa 39 ang bilang ng mga nasawi dahil sa habagat at mga Bagyong “Luis”, “Maymay’’ at ‘’Neneng’’, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) kahapon.
Sa ulat ng OCD, naitala ang 15 nasawi sa Benguet, tig-apat sa Rizal at Batangas, tig-tatlo sa Zambales at Caloocan, tig-dalawa sa Pampanga, Quezon at Occidental Mindoro at tig-iisa sa La Union, Pangasinan, Oriental Mindoro at Negros Oriental.
Umabot din sa 20 ang nasugatan habang tatlo pa ang patuloy na nawawala.
Samantala, iniulat din ng ahensya na kabuuang 9.4 milyong katao o 2.7 milyong pamilya ang naapektuhan ng mga sama ng panahon sa Ilocos Region, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Calabarzon, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at Mimaropa.
Nananatili naman sa 968 evacuation center ang 71,364 katao o 20,279 pamilya habang naiulat ang pagbaha sa 711 lugar. Idineklara ang state of calamity sa 178 lungsod at munisipalidad sa buong bansa. (Angelika Cabral)









