Bumulagta ang isang miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos itong mabaril sa ikinasang hot pursuit operation laban sa isang suspek na iniuugnay sa insidente ng holdapan sa Sta. Teresita, Batangas noong Lunes, Agosto 31.
Kinilala ang nasawing pulis na si Police Staff Sergeant Von Rico Bibaño Macuha, miyembro ng Sta. Teresita Police Station.
Ayon sa pulisya, nasugatan si Macuha sa palitan ng putok habang isinasagawa ang pagtugis sa suspek.
Agad siyang isinugod sa ospital ngunit kalaunan ay binawian ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala.
Nasawi rin ang suspek matapos ang habulan na umabot sa bahagi ng Calaruega.
Isang armas na umano’y ginamit sa krimen ang narekober sa lugar.
Binigyang-pugay naman ng Police Regional Office 4A ang katapangan at sakripisyo ni Macuha sa paggunita sa National Heroes Day matapos niyang ialay ang buhay sa pagtupad sa tungkulin. (Ronilo Dagos)












