ITINANGHAL na kampeon si National Master (NM) Jasper Faeldonia sa katatapos lamang na 1st Dr. GM Eugene Torre FIDE Standard Open Chess Tournament na ginanap sa Marikina Sports Center kamakailan.
Nakalikom si Faeldonia, ipinagmamalaki ng Odiongan, Romblon, ng kabuuang 5.5 puntos — limang panalo at isang tabla — matapos ang anim na round ng Swiss System tournament na may FIDE Standard rating at ginamitan ng 60-minuto, dagdag na tatlong-segundong oras, para iuwi ang korona at P20,000 champion’s purse.
Parehong nakakuha ng 5.5 puntos sina NM Faeldonia, Jeremy Marticio ng Cabuyao, Laguna at Arena International Master Jerick Faeldonia ng Odiongan, Romblon — ngunit si NM Jasper ang kumuha ng unang puwesto dahil sa mas mataas na tiebreak points.
“Masaya ako sa aking panalo, lalo na’t ang nakababata kong kapatid na si Jerick ay nakapantay din sa unang puwesto,” pahayag ng 21-anyos na si NM Jasper, pangunahing manlalaro ng College of Saint Benilde at NCAA Most Valuable Player.
Si Jeremy ay pumangalawa at nakatanggap ng P15,000, habang si Jerick naman ay pangatlo na may P10,000 premyo.
Ang kampanya nina NM Jasper at Jerick sa international tournament ay sinusuportahan ni Romblon Governor Trina Firmalo Fabic.
Sa huling round, tinalo ni NM Jasper ang dating nangunguna na si National Master Keith Adriane Ilar matapos ang 65 moves ng King’s Indian Defense sa Board 1.
Ginulat naman ni Jerick si International Master Ricardo de Guzman matapos ang 75 moves ng Torre Attack sa Board 2. (Abante Sports)












