NANANATILI pa ring walang katiyakan kung makakapaglaro na para sa Gilas Pilipinas sa parating na 2026 Asian Games ang naturalized player na si Justin Brownlee.
Nasa Amerika pa rin ang 38-anyos na naturalized player at resident import ng Ginebra na si Brownlee na nagpapagaling pa rin sa ilang injuries.
Hindi nakasalang si Brownlee sa dalawang laro ng Gilas sa katatapos lamang na fourth window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers kung saan winalis ng national squad ang dalawang asignatura laban sa Jordan at Iran.
Ayon kay Gilas head coach Tim Cone, nananatili silang maghihintay sa pagbabalik ni Brownlee pero hindi niya tiyak kung aabot ito sa pagdepensa ng Gilas sa korona ng Asian Games na napagwagian nila noong 2023 Hangzhou edition.
“It’s still about a 50-50 with Justin right now. We’re in communication with him. We’re just trying to get him healthy. It’s not really the injuries. It’s really the health factor that we’re concerned about and what he’s been concerned about,” kuwento ni Cone sa ekslusibong panayam ng programang The Scorecard sa Bilyonaryo News Channel nitong Lunes ng gabi.
“So he’s been talking to doctors and trying to get clearances to come on over. But right now, I’d say it’s about 50-50.”
Una nang sinabi ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) Executive Director Erika Dy na nakalista pa rin sa lineup para sa Asiad si Brownlee subalit ang availability nito ang pangunahing concern.
“So now, ang nakalista pa rin naman si JB, si Justin Brownlee,” paliwanag ni Dy.
“Whether he will be ready by then or not, hindi pa natin alam. But sa ngayon, siya iyung nasa line-up naman natin.”
Tinalo ng Gilas ang Jordan 82-81 sa overtime noong Biyernes at isinunod ang Iran 68-56 para umangat sa 4-4 panalo-talo record sa Group E sa kasalukuyang Asian Qualifiers para sa 2027 FIBA World Cup. (Abante Sports)












