WebClick Tracer

METRO MANILA BINALOT NG HAZE MULA INDONESIA

Pinag-iingat ang mga residente sa Metro Manila at mga kalapit na lugar matapos maapektuhan ng haze o makapal na usok at alikabok na pinaniniwalaang mula sa mga sunog sa Kalimantan, Indonesia, ang kalidad ng hangin sa nasabing mga lugar.

Batay sa datos ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) 11 lungsod ang nakapagtala ng “acutely unhealthy” na lebel ng PM2.5 o maliliit na particle o alikabok sa hangin bandang alas-6:00 ng umaga kahapon.

Pinakamataas ang naitala sa Parañaque na 296, sinundan ng Quezon City-Ateneo na 241, Las Piñas na 237, Manila, 231, Malabon 229, Taguig at Valenzuela na kapwa 224, Marikina 217, Muntinlupa 216, San Juan na 213 at Mandaluyong 207.

“Very unhealthy” naman ang kalidad ng hangin sa Pateros at Navotas, habang “unhealthy for sensitive group” sa Makati. “Fair” naman ang naitala sa Quezon City-Commonwealth Avenue.

Bukod sa Metro Manila, sinabi ni Office of Civil Defence (OCD) Deputy Administrator for Administration Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na apektado rin ng haze ang Calabarzon at Mimaropa.

Dahil ditto, pinayuhan ang publiko na magsuot ng N95 mask kung kinakailangang lumabas, iwasan ang matagal na pananatili sa labas at regular na tingnan ang air quality sa kanilang lugar.

Partikular na pinag-iingat ang mga bata, senior citizen, buntis at mga may sakit sa puso o baga dahil mas sensitibo sila sa epekto ng polusyon.

Ayon sa World Health Organization (WHO), maaaring makapasok ang PM2.5 sa baga at bloodstream at makaapekto sa respiratory at cardiovascular system. Maaari rin nitong palalain ang asthma at sakit sa puso.

Hinimok ng DENR-EMB ang publiko na sundin ang mga opisyal na abiso ng ahensya at mga lokal na pamahalaan habang nananatili ang haze.