WebClick Tracer

Lider ng mga bandido dedo sa engkuwentro

Patay ang isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) matapos niyang makipagpalitan ng putok sa mga tauhan ng Philippine Army at PNP sa Barangay Magogon, Camalig, Albay noong Lunes.

Sa ulat, nagsimula ang bakbakan ng alas-9:00 ng gabi at tumagal ng halos 10 minuto ang engkuwentro sa pagitan ng mga tropa ng 31st Infantry Battalion at PNP at limang miyembro umano ng grupo na pinamumunuan nina Gerardo Arcos Abache, alyas “Jerry,” “Josam,” “Floyd” at “Maeng,” na sinasabing lider ng Regional Sentro de Grabidad Operations Group (RSOG) ng Bicol Regional Party Committee.

Matapos ang bakbakan, natagpuan ang wala nang buhay na si Abache katabi ang isang Glock 17 9mm pistol at ilang subersibong dokumento.

Ayon kay Maj. Frank Roldan, tagapagsalita ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, mahigit 30 taon nang miyembro ng NPA si Abache at naging lider sa iba’t ibang larangan ng kilusan sa Bicol.
Iniuugnay rin umano siya sa pagpatay sa dalawang sundalong nagsasagawa ng rescue operation na namimili sa Barangay Cotmon, Camalig, noong Pebrero 2023.