WebClick Tracer

Kelot tiklo sa pagbebenta ng rehistradong SIM card online

Himas-rehas ang isang 26-anyos na lalaki matapos umano siyang magbenta ng halos 400 piraso ng rehistradong SIM card online, sa isang entrapment operation sa Obando, Bulacan.

Ayon sa Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), nag-ugat ang operasyon noong Agosto 24 sa kanilang cyber-patrolling activity kung saan namonitor ang mga social media account na umano’y sangkot sa ilegal na bentahan ng fully verified e-wallet accounts at registered SIM cards.

Sa ulat, nag-aalok umano ang suspek na si “Junel”sa Facebook ng mga registered SIM card sa halagang P10 bawat isa. Natukoy rin na sangkot umano siya sa maramihang pagbebenta ng mga rehistradong SIM.

Umamin umano ang suspek na personal niyang nirerehistro ang ilan sa mga SIM gamit ang pagkakakilanlan ng ibang tao. May ilan din umanong SIM na rehistrado na nang bilhin niya mula sa isang hindi pinangalanang seller.
Nahaharap siya sa mga kasong paglabag sa SIM Registration Act of 2022 kaugnay ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Samantala, itinulak ng ACG ang pag-amyenda sa SIM Registration Act kabilang ang paggamit ng Philippine National ID bilang pangunahing paraan ng identity verification.
Iminungkahi rin nito na i-activate lamang ang SIM matapos ang matagumpay na registration at identity authentication at mangailangan ng kaukulang dokumentasyon bago mailipat sa ibang tao ang isang registered SIM.
Nais din ng ACG na limitahan sa limang SIM card bawat tao ang maaaring pagmamay-ari sa lahat ng telecommunications provider. (Angelika Cabral/Edwin Balasa)