Winasak ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 240,550 ilegal na vape product na may tinatayang P1.539 bilyong pananagutan sa buwis sa isang waste management facility sa Porac, Pampanga.
Ayon sa BIR Revenue Region No. 6, kabilang sa mga winasak ang mga produktong nakumpiska sa mga operasyon laban sa mga nagbebenta at nag-iimbak ng ilegal na vape product.
Isinagawa ang pagwasak noong Agosto 24 sa DIGAMA Waste Management Facility sa Porac, Pampanga.
Sinabi ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na hindi nagtatapos sa pagkumpiska ang pagpapatupad ng batas at kailangang tuluyang alisin sa merkado ang mga ilegal na produkto.
Ayon naman kay Revenue Region No. 6 Director Remir Macatangay, pinalawak ng BIR ang operasyon mula sa mga retail store patungo sa mga warehouse upang matukoy ang mas malalaking nagbebenta at distributor ng ilegal na produkto.
Kabilang dito ang operasyon laban sa Tap Fog Philippines na tinukoy ng BIR bilang pinakamalaking single illicit vape enforcement operation nito hanggang sa kasalukuyan.
Layunin aniya ng hakbang na labanan ang ilegal na kalakalan ng vape product upang maprotektahan ang kita ng gobyerno at mga negosyong sumusunod sa batas. (Angeline Malillin)












