WebClick Tracer

Social media, nagiging digital marketplace ng ilegal na droga

Nagbabala si Las Piñas Lone District Rep. Mark Anthony Santos na ginagamit ng mga drug dealer at criminal group ang social media para magbenta ng ilegal na droga at makahanap ng mga kabataang maaaring maging customer.

Ayon kay Santos, kahit ipinagbabawal ng mga social media platform ang drug transaction, may mga ebidensiyang nakikita ang mga drug enforcement unit ng ganitong aktibidad, partikular sa Messenger at Viber.

Sinabi niya na kabilang sa mga karaniwang ibinebentang droga online ang shabu, marijuana, ecstasy at cocaine.

Sinabi ng mambabatas, na kamakailan ay itinalagang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na ang dali ng komunikasyon at malawak na paggamit ng social media ng mga kabataan ang nagbubukas ng bagong pagkakataon para sa mga drug dealer na makahanap ng kanilang mga potensyal na customer.

“Mas mabilis mag-adapt ang mga kriminal kaysa sa atin. Natututo silang gamitin ang parehong mga platform na araw-araw ginagamit ng ating mga kabataan,” ani Santos.

Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa mga ulat mula sa mga cybersecurity expert na ginagamit na rin umano ang mga sikat na online game at social media platform bilang lugar ng recruitment ng mga extremist group.

Binanggit ni Santos ang kaso ng isang online group na kilala umano bilang “764,” na iniugnay ng mga cybersecurity researcher sa recruitment at exploitation ng mga kabataan online, kabilang ang isang indibidwal na nasangkot sa isang shooting incident sa Tacloban.

Binigyang-diin niya na hindi lamang ilegal na droga ang banta sa mga kabataan, dahil maaari ring targetin ng mga criminal at extremist network ang mga vulnerable na young user sa pamamagitan ng mga digital platform.

Binanggit din ni Santos ang mga pag-aaral tungkol sa paggamit ng social media upang mapadali ang mga transaksyon ng ilegal na droga.

Ayon sa kanya, naging mahalagang platform din ang Instagram para sa online drug trafficking, kung saan maaaring matukoy ng mga bihasang user ang mga drug dealer sa pamamagitan ng mga ordinaryong post, account at online interactions.

“Dahil sa social media, nagagawa ng mga drug dealer na mag-operate na parang lantad lamang sa publiko. Gumagamit sila ng mga coded word, larawan, emoji at tila inosenteng mga post upang i-advertise ang ilegal na droga habang iniiwasan ang detection system ng mga platform,” ani Santos.