WebClick Tracer

Rector:Pamamaril sa loob ng Baclaran Church, fake news

Nilinaw ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Parañaque City na walang naganap na pamamaril sa loob ng simbahan noong Linggo, Agosto 30.

Ayon kay Rector Fr. Rico John Bilangel, nagdulot ng pangamba ang insidenteng kinasangkutan ng isang lalaking nakainom at may dalang baril nang pumasok ito sa simbahan.

“It is important to clarify that no shooting took place during the incident,” saad ni Fr. Bilangel.

Aniya,nakaresponde agad ang kanilang security personnel at mga awtoridad kaya mabilis na nadampot ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya.

Samantala, dalawang katao umano ang nagtamo ng minor injury dahil sa insidente at agad na nalapatan ng lunas.

Hinimok naman ni Bilangel ang publiko na maging maingat sa mga impormasyong ibinabahagi sa social media at tiyaking beripikado muna ang mga ito upang maiwasan ang kalituhan at panic.

Tiniyak din ng simbahan na patuloy nitong bibigyang-prayoridad ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto at nagsisimba. (Angelica Malillin)