Binalaan ng Malacañang ang mga nasa likod ng pagnanakaw sa piyesa ng mga pumping station na hahabulin at pananagutin ang mga ito sa batas.
Kasunod ito ng ulat na hindi gumagana ang ilang pumping stations dahil ninakaw ang ilang piyesa ng mga ito kaya hindi agad humupa ang baha mula sa walang tigil na pag-ulan nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, nakakalungkot ang mga ganitong pangyayari dahil ginagawa ng gobyerno ang lahat ng paraan upang maibsan ang problema sa pagbaha subalit may mga sumasabotahe kaya nakokompromiso ang kalusugan at ari-arian ng mamamayan.
Dahil sa mga ninakaw na piyesa, sinabi ni Castro na gagastos ulit ang gobyerno para mapalitan ang mga ito.
“Gagastos tayo ulit para sa mga replacement na ito. Paano kung walang makuha agad na replacement? Hindi agad maiaayos ang mga ito na magdudulot na naman ng mabagal na paghupa ng baha,” diin ni Castro.
“Ang ginagawa ng Pa¬ngulo para sa kontrabaha ay para sa ating lahat. Huwag tayo maging makasarili. Buhay, kalusugan at ari-arian ang maaapektuhan dahil sa mga pagnanakaw na ito,” dagdag pa niya. (Aileen Taliping)









