Kapwa nasawi ang isang mag-asawa habang sugatan ang kanilang anim na buwang gulang na anak matapos maipit sa engkuwentro ng mga awtoridad at mga suspek sa Barangay Tampilong sa Marawi City, Lanao del Sur noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga biktima sa mga alyas na “Mohaimen” at “Nesren”, mga residente sa Barangay Bangon.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang joint law enforcement operation para ihain ang warrant of arrest laban sa isang alyas “Engineer” dahil sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagpaputok umano ang mga suspek nang papalapit na ang mga operatiba sa target na lugar na nagresulta sa palitan ng putok at ikinadamay ng mag-asawa.
Samantala, sugatan ang sanggol matapos umanong sumabog ang hinihinalang granada na naiwan umano ng suspek bago ito tumakas sa lugar. (Jun Mendoza)












