Hiniling ni Samar First District Rep. Stephen James T. Tan kay Acting Justice Secretary Frederick A. Vida ang update o kaganapan sa kaso ng magsasakang si Enrique Manas Sr. na pinatay sa Sta. Margarita, Samar noong 2017.
Sa kanyang liham na may petsang Agosto 20 na natanggap din ng Department of Justice (DOJ) sa parehong araw, sinabi ni Tan na isinulat niya ito bilang tugon sa kahilingan ng pamilya Manas para sa tulong kaugnay ng kaso.
Hiniling niyang linawin ng kagawaran kung nasaang proseso na ang mosyon ng dating Army colonel na si Emilio Zosa, isa sa mga akusado, kung naisumite na ito para sa resolusyon at kung may iba pang kailangang dokumento o hakbang bago makapagdesisyon sa kaso ang justice department.
Bilang kinatawan ng distrito kung saan mga residente ang pamilya Manas, nais din malaman ni Tan mula kay Vida kung nabigyan ng pagkakataong tumugon ang pamilya Manas o kanilang abogado sa nasabing mosyon.
Ani Tan, matagal nang nakabinbin sa DOJ ang kaso at halos siyam na taon na ang lumipas mula nang maganap ang ambush.
Noong Enero 16, 2025, naglabas ang DOJ ng resolusyong nag-uutos na magsampa ng criminal charges laban kay Zosa at mga kapwa akusado. Noong Marso 19, 2026, natanggap ng korte ang Information laban sa kanila, dahilan upang umusad na sa judicial stage ang kaso.
Gayunman, nalaman ng pamilya Manas na naghain si Zosa ng mosyon sa DOJ na kumukuwestyon sa desisyon ng ahensya.
Binigyang-diin ni Tan na nais lamang ng pamilya na malaman ang kasalukuyang status ng kaso at mga natitirang proseso nang hindi nakikialam sa independiyenteng desisyon ng DOJ.
Wala pang inilalabas na pinal na resolusyon ang DOJ sa mosyon ni Zosa.












