Nagbakbakan ang dalawang magkalabang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa boundary ng Mamasapano at Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao del Sur noong Linggo na nagdulot ng tensyon sa mga kalapit na komunidad.
Ayon sa pulisya, posibleng may kaugnayan ang sagupaan sa pananambang sa asawa ng isang MILF commander noong Huwebes ng gabi sa Barangay Linantangan, Shariff Saydona Mustapha.
Kinilala ni Bangsamoro police spokesperson Capt. Steffi Salanguit ang biktima na si Naila Datunor, asawa ni Commander Malibuteng ng MILF 128th Base Command.
Binabagtas umano ni Datunor ang kalsada patungong Barangay Libutan nang harangin at pagbabarilin ng mga suspek. Nagtamo siya ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at isinugod sa ospital.
Itinuturo sa insidente ang mga miyembro umano ng MILF 118th Base Command sa pamumuno ni Battalion Commander Kagi Adam Gani.
Tinitingnan ng pulisya ang alitan ng pamilya o rido bilang posibleng ugat ng kaguluhan. Patuloy din ang pagbabantay sa lugar para sa seguridad ng mga residente. (Jun Mendoza)












