WebClick Tracer

Group Tour sa Macau-China, Sulit Ba?

Para sa mga first timer na bibiyahe sa China, mas recommended ang group tour, lalo na kung gusto mo ng less hassle at nakaayos na ang itinerary. Base ito sa naging experience namin kamakailan sa Macau, Zhuhai at Shenzhen, China. Budget friendly na, hassle-free pa!

Hop on, hop off lang kami sa bus na kasama sa package. Para sa mga adventurous at nasa 20s o 30s, puwedeng-puwede ang DIY travel. Pero kung first time mo sa China, malaking tulong ang travel agency na mag-aayos ng itinerary, accommodation, transportation at group visa.

Unang stop namin ang Macau. Mapapa-picture ka agad sa The Venetian Macao, isang 39-storey luxury hotel and casino resort na parang dinala ka sa Italy. Kasunod ang Parisian Macao na may replica ng Eiffel Tower at ang Londoner Macao na lalong kahanga-hanga kapag gabi dahil sa makukulay na ilaw.

Day tour lang kami sa Macau bago tumawid sa Hengqin Port na border papuntang Zhuhai, China. Dito na nagsimula ang konting kaba dahil kailangang dumaan sa immigration.

Dahil group visa ang gamit namin, kailangang sundin ang pagkakasunod-sunod ng mga pangalan sa listahan. May question and answer portion at fingerprinting. Sabi ng tour guide, kailangan ang disiplina at kooperasyon dahil isang aberya ng pasahero ay apektado buong grupo. Mabuti na lang at nakalusot kami nang maayos.

Sa Zhuhai kami nag-stay sa 2000 Years Hotel. Maayos ang accommodation, maganda ang view at kasama ang breakfast. Kinabukasan, tumuloy kami sa Shenzhen, isang high-tech metropolis sa Guangdong na kilala sa modernong arkitektura at mabilis na pag-unlad.

Isa sa mga highlight ang Shenzhen-Zhongshan Link, kabilang ang tunnel na dumaraan sa ilalim ng dagat. Kahanga-hanga ang engineering ng proyekto at tanaw ang malawak na karagatan habang bumibiyahe.

Ibang-iba ang Shenzhen sa unang imahinasyon ko tungkol sa China. Malinis ang mga pangunahing kalsada, maayos ang traffic at maraming public spaces at parks. Kapansin-pansin ang nagkalat na bike for rent at modernong transportasyon.

Nakabilib ang futuristic na China Resources Tower at ang tinatawag na AirPods-shaped building. Dumaan kami sa Gangxia North Metro Station, isang malaking underground transportation hub na may mall.

Mas nakakagulat ang paggamit ng teknolohiya. May robotic coffee baristas, drone food delivery at driverless Robobus. Sa Shenzhen, normal na bahagi ng pang-araw-araw na buhay ang mga bagay na napapanood lang natin sa science fiction.
Kasama sa tour ang Traditional Chinese Medicine Culture Museum, Love Post Office, Zhuhai Grand Theater, Silk Culture Hall at Shijingshan Park na may round-trip cable car.

Pero ang pinakamahalagang lesson sa biyahe ang pagsunod sa mga batas at regulasyon. Mahigpit ang seatbelt rule sa mga bus at nasampolan kami nang mag- random inspection. Nawarningan ang driver, tour guide at pasaherong hindi naka-seatbelt.

Lesson learned. Kapag nasa ibang bansa, sumunod sa batas. Hindi ubra ang tigas ng ulo, lalo na kung grupo kayo.
Aminado akong may preconceived ideas bago bumiyahe. Akala ko masikip, makalat at sobrang trapik. Pero ibang China ang nakita ko. Moderno, mabilis, technologically advanced at may mga lugar na tahimik at maaliwalas. Sabi nga, naka-fungshui ang buong lugar kaya relaxing vibe.

Maraming nag-aalok ng China package tours, pero dahil trusted ko na ang Travel Bay Tour. Sa package, kasama ang round-trip airfare via Air Macau, 32-kilogram luggage allowance, hotel accommodation with breakfast, lunch, tours, transfers at English-speaking tour guides. Nakaayos na ang mga entrance fee, ticket at voucher sa mga tourist spots.

Ilang tips para sa first timer. Maghanda ng eSIM o roaming option dahil maaaring hindi accessible ang ilang international apps at websites. Magdala ng sariling tissue at basic toiletries para sa public comfort rooms. I-print ang pangalan ng hotel at itinerary dahil maaaring magkaroon ng language barrier sa pakikipag-usap sa ilang lokal.
Sulit ba ang group tour? Para sa first timer, malaking YES. Hindi mo kailangang isipin ang bawat transfer, hotel booking, entrance ticket at itinerary. Mas may oras kang mag-enjoy, kumuha ng litrato at makita ang isang China na ibang-iba sa iyong inaasahan.

Sa unang biyahe ko dito, hindi lang mga tourist attraction ang nakita ko. Nakita ko kung gaano kabilis magbago ang isang bansa kapag pinagsama ang teknolohiya, disiplina at maayos na pagpaplano.
China? Bucket list checked. At mukhang hindi ito ang huli.