Inilabas na nga ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) Program upang maakit ang mga kilalang brand na gumawa ng electric vehicles (EVs) sa loob ng bansa.
May nakalaang P60 bilyong insentibo – hahatiin sa apat na modelo na tig-P15 bilyong halaga ngtax certificate kapag naabot ang target na 10,000 sasakyan bawat modelo. Umaasa ang gobyerno na sapat na ito upang ma-enganyo ang mga kumpanya na dito sa Pilipinas na gumawa ng kumpletong EV o mga major component gaya ng electric motor o baterya.
Dahil sa EVIS, naniniwala si DTI Secretary Cristina Roque na magiging hub ng EVmanufacturing ng Southeast Asia ang Pilipinas.
“EO No. 121 sends a clear signal to global and domestic investors that the Philippines is ready to compete for high-value manufacturing investments in the rapidly growing electric vehicle sector,” deklara ni Sec Roque.
Ang kaso, may mga sariling EV program ang Thailand, Indonesia, Malaysia at Vietnam. Makikipag-agawan tayo sa bansang ito sa pag-akit ng mga kilalang brand na magtayo ng pagawaan ng EV sa Pilipinas.
Ang Thailand, halimbawa, ay may programang EV 3.0 at EV 3.5 para palawakin ang paggawa ng EV, sa ilalim ng Thailand Board of Investment (BOI) at National EV Policy Board. Sinasabing target ng nasabing programa na makabuo ng 80,000 EVs, doble sa target ng EVIS na 40,000.
Sa mga nakaraang dekada, Thailand ang may pinakamalaking produksyon ng sasakyan sa buong Southeast Asia; karamihan dito ay iniluluwas sa ibang bansa tulad ng Pilipinas.
Ang EV program ng Thailand ay nakatutok sa commercial transport vehicle, gaya ng taxi, mc taxi, tuktuk, bus, truck at pickup. Dahil ginagamit ang pick-up sa public transport, katulad ng jeepney sa Pilipinas, umaabot sa 60% ng benta sa Thailand ay puro pick-up.
Sa ngayon, operational na sa Thailand ang pabrika ng EV ng Mercedes-Benz, GWM, MG, BYD, GAC, Changan at EV Primus.
May kakaibang aspeto ang programa ng Thailand tulad ng mandatory local content, o paggamit ng lokal na piyesa. Layunin nito na paunlarin ang mga gumagawa ng auto parts. Meron ding tinatawag na offset ratio policy: sa bawat imported na unit, kailangan gumawa ng dalawang local unit kaya’t puwersado ang local production. Pagdating ng Disyembre 2027, magiging tatlo ang ratio.
Samantala sa Indonesia, nakatutok ang EV program sa paggawa ng baterya dahil sa malawak na mina at pruduksyon ng nickel. Habang itinatayo ang dambuhalang planta ng BYD, gumagawa na ngayon sa Indonesia ng EV ang Wuling, Hyundai at Chery. Malaki rin ang mina ng nickel sa Pilipinas, bakit hindi rin natin gamitin ito sa ating bentahe?
Sa Vietnam, dominado ang EV industry ng Vinfast dahil sa malaking suporta mula sa gobyerno. Doon ginagawa ang Vinfast na nagkalat ngayon bilang export sa Southeast Asia, lalo na yung mga berdeng taxi.
Protektado naman sa Malaysia ang kanilang national car na Proton at Perodua. Sa kabila nito, may gumagawa ng EV sa Malaysia:Xpeng, MG, GWM, Chery, Leapmotor at Volvo.
Sa ganyang sitwasyon, paano mai-aangat ng EVIS ang Pilipinas bilang isang EV manufacturing hub ng Southeast Asia?












