WebClick Tracer

GCash kinasa face verification at libreng loan scam insurance vs online scam

Mas pinaigting pa ng GCash, sa pamamagitan ng lending arm nitong Fuse Financing, Inc., ang proteksyon para sa mga user ng GLoan. Naglunsad ito ng facial verification feature at libreng loan scam insurance upang harangin ang mga pekeng loan application at iba pang uri ng panloloko.

Gamit ang Selfie Scan, titiyakin ng bagong facial verification na ang mismong may-ari ng account ang nag-a-apply ng loan. Malaking tulong ito upang mapigilan ang mga ilegal na transaksyon kahit pa man nanakaw o na-compromise na ang login details ng isang user. Kasabay rin ito ng iba pang security features sa app tulad ng Lock My Account, Money Lock, at Subscription Center.

Bukod dito, inilunsad din ng kompanya ang Loan Scam Insurance sa ilalim ng GLoan Protect na nagbibigay ng hanggang P10,000 na insurance coverage para sa mga user na mabibiktima ng unauthorized transactions, phishing, at iba pang katulad na scam.

May dagdag ding benepisyo ang mga hihiram sa GLoan sa pamamagitan ng GInsure at Oona Insurance. Sa bawat loan na magsisimula sa P500, may libreng health insurance ang mga kwalipikadong loan na nagbibigay ng hospitalization allowance na P500 bawat araw o hanggang 10% ng kabuuang loan kapag na-confine nang hindi bababa sa tatlong araw.

Ayon kay Tony Isidro, President at CEO ng Fuse Financing, Inc., ang tiwala ng mga konsyumer ay nakaayon sa kung paano sinosolusyunan ng kompanya ang mga banta sa seguridad ng mga user.

“Sa Fuse at GCash, patuloy kaming nagpapasok ng mga makabagong seguridad para protektado ang aming mga borrowers sa bawat hakbang mula sa pagpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan hanggang sa mga karagdagang benepisyo tulad ng loan scam at health insurance. Simple lang ang prinsipyo namin: unahin ang user, pangunahan ang mga peligro, at tiyaking ligtas at protektado ang kanilang bawat transaksyon,” sabi ni Isidro.

Para sa mga gustong mag-check ng status ng kanilang GLoan Protect o mag-file ng claim, i-tap lamang umano ang “Explore the App” sa GCash app, pumunta sa “View All,” piliin ang “GInsure,” at pindutin ang “My GInsure.”

Ang hakbang na ito ay bahagi ng layunin ng GCash na magkaroon ng mas ligtas na digital finance ecosystem sa bansa.