May mga lugar na tahimik sa kasalukuyan gaya lamang ng lunsod ng Nagasaki sa Japan na aking napuntahan nitong nakaraang linggo, pero dahil may malagim na pangyayaring nakasulat sa kasaysayan, parang naririnig ko pa rin ang mga sigaw ng mga taong minsang naging biktima ng digmaan. Ang Nagasaki ay isang maganda, malinis at mapayapang lungsod na tuwing Agosto ay muling nagpapaalala sa mundo ng isang trahedyang hindi dapat maulit—ang naganap noong Agosto 9, 1945 nang isang atomic bomb ang ibagsak sa lungsod.
Tinatayang nasa 150,000 katao ang namatay o nasugatan pagsapit ng pagtatapos ng taong iyon. At bagama’t tila normal na ang pamumuhay doon ngayon, patuloy pa ring isinasalaysay ng mga nakaligtas at mga mamamayan ang kanilang mga karanasan, hindi upang maghasik ng galit kundi upang ipaalala kung ano ang maaaring gawin ng digmaan sa ordinaryong tao.
Aaminin ko rin na masaya ako habang naglalakbay patungo roon mula sa Fukuoka City sa pamamagitan ng land travel. Pero pagpasok sa bisinidad ng Nagasaki, bigla akong nabalot ng kalungkutan. Nang tanungin ko ang aming kasamahang Pinoy na matagal nang nakatira sa lugar, sinabi niyang halos lahat ng mga nagtutungo roon ay pare-pareho ang nararamdaman—nalulungkot. Siguro dahil habang tahimik at maaliwalas ang Nagasaki ngayon, alam mong minsan itong naging lugar ng isang napakalaking trahedya.
Pero bago pa man bumagsak ang atomic bomb sa Nagasaki, milyun-milyong Chinese ang dumanas ng matinding paghihirap sa ilalim ng pananakop ng Imperial Japanese Army. At isa sa pinakamadilim na kabanata nito ang Nanjing Massacre noong 1937—isang lugar na personal ko ring napuntahan dalawang buwan bago ako tumuntong sa Nagasaki.
Sa Nanjing, hindi bomba ang pangunahing armas kundi kamay, baril, espada at iba pang pamamaraan ng karahasan. Sa loob ng humigit-kumulang anim na linggo matapos mapasok ng Japanese troops ang lungsod noong Disyembre 13, 1937, naganap ang malawakang pagpatay, panggagahasa, pang-aagaw ng ari-arian at pagsunog sa mga gusali. Malawak ang pagtatantiya sa bilang ng mga biktima; sa opisyal na tala ng Nanjing, humigit-kumulang 300,000 Chinese ang sinasabing nagbuwis ng buhay sa naturang trahedya.
Kaya habang nakikiramay tayo sa mga naging biktima ng Nagasaki, hindi rin dapat mabura sa alaala ang mga naging biktima sa Nanjing. Magkaiba man ang lugar, taon at paraan ng pagdurusa, pareho silang may isang bagay na hindi dapat mawala sa ating isip: mga ordinaryong tao ang nagbayad ng pinakamahal na presyo ng digmaan.
At dito ako napaisip: bakit kailangang umabot sa puntong ang isang tao ay kayang pumatay ng kapwa tao dahil lamang sa bandila, bansa, lahi o utos ng mga pinuno? Kapag nagsimula nang manaig ang galit, madaling mawala ang pagkilala na ang nasa kabilang panig ay may pamilya rin, may mga pangarap din at may buhay na gustong ipagpatuloy. At kapag tuluyang nawala ang pagkilala natin sa pagkatao ng iba, doon nagsisimula ang pinakamalaking trahedya.
Sa Nagasaki, ang mensahe ngayon ay hindi paghihiganti kundi kapayapaan. At marahil, iyon din ang pinakamahalagang aral na maaaring makuha mula sa Nanjing at sa iba pang trahedya ng digmaan: walang panalo kapag poot ang naghari.Maaaring magwagi ang isang panig, maaaring bumagsak ang isang lungsod at maaaring magbago ang mga hangganan, pero kapag tao na ang walang habas na pinapatay, buong sangkatauhan ang talo.
At sa nangyayari sa Pilipinas ngayon, dapat sigurong alalahanin natin ang Nagasaki, alalahanin ang Nanjing at iwasang tayo ay matulad sa kanila. Hindi man tayo nasa digmaan, hindi rin imposibleng mangyari ang parehong pagkawasak kung hahayaang manaig ang galit, paghihiganti at pagkamuhi sa kapwa.












