Mga laro sa Sabado:
(Victorias City, Negros Occidental)
4:00pm – Capital1 vs Farm Fresh
6:30pm – Galeries vs Creamline
PASASARAPIN nina Jessica Margaret ‘Jema’ Galanza at Creamline Cool Smashers ang pinakahuling laro sa PVL On Tour sa pagnanais nitong pabagsakin ang makakaharap na Galeries Tower Highrisers sa pinakahuling laban ng pre-season na torneo sa Victorias City sa Negros Occidental.
Isasara ng Premier Volleyball League ang anim na linggo nitong On Tour Showdown ngayong Sabado (Agosto 22) sa pamamagitan ng isang star-studded twin bill sa Victorias City Coliseum sa Negros Occidental, tampok ang inaabangang pagbabalik ng dating league star na si Sachi Minowa o mas kilala ng mga Pilipinong tagahanga bilang si Alyja Daphne “Jaja” Santiago – sa lokal na eksena ng volleyball.
Tatapusin ng Creamline, ang winningest at pinakasikat na club ng PVL, ang provincial swing laban sa Galeries Tower sa ganap na 6:30pm kung saan hangad ng Cool Smashers na sundan ang kanilang tagumpay laban sa Nxled Chameleons sa Isabela ng isa pang kahanga-hangang pagganap sa harap ng inaasahang magiging punong-punong manonood.
Habang natural na malupunta ang atensiyon sa Creamline, mas malaking kuwento ng gabing ito ay ang asam na pagbabalik ng dating national team member at naging import sa ibang bansa na si Minowa.
Ang dating bituin ng Chery Tiggo ay nakatakdang maglaro para sa Cool Smashers sa pagsisimula ng kanyang paglalaro sa club bago ang nalalapit na PVL Invitational Conference.
Ito ay nagmamarka ng isa na namang mahalagang kabanata sa karera ng matangkad na middle blocker, na nanguna sa Chery Tiggo sa makasaysayang 2021 PVL Open Conference championship bago lumipat sa Japan, kung saan siya naglaro nang ilang season at kalaunan ay nakakuha ng pagkamamamayang Hapon.
Natikman na ni Minowa ang buhay sa kulay ng Creamline, sa paglalaro kamakailan laban sa Choco Mucho sa Cagayan de Oro.
Sasali siya sa isang kahanga-hangang lineup ng Cool Smashers na pinamumunuan nina Alyssa Valdez, Michelle Gumabao at Jema Galanza, kasama sina Lorie Bernardo at ang baguhang si Ishie Lalongisip na inaasahang magiging prominente rin. (Lito Oredo)












