Umakyat na sa apat ang bilang ng mga nasawi sa madugong pamamaril sa Brgy. Malingao, Kadayangan, Special Geographic Area-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, matapos pumanaw ang dalawa pang sugatang biktima habang ginagamot sa ospital.
Ayon kay Police Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, apat pang sugatan ang nananatiling nagpapagamot sa ospital.
Nangyari ang insidente bandang alas-8:00 ng umaga noong Martes nang pagbabarilin ng grupo ng mga lalaki ang mga biktima sa Brgy. Malingao. Agad na nasawi sina Musalik Balang, 45-anyos, at Haron Boliongan, 35, habang pumanaw kalaunan sina Romeo Lombo at isang 17-anyos na binatilyo.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng may kaugnayan sa ilegal na droga ang pamamaril. Lumabas sa ulat na nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan kaugnay ng transaksyon sa droga sa pagitan ng mga biktima at mga suspek.
Ayon sa mga saksi, nasa walong lalaki ang dumating sa lugar sakay ng isang pribadong sasakyan. Tatlo sa kanila ang bumaba at agad na nagpaputok sa mga biktima bago tumakas.
Sinabi rin ng mga opisyal ng barangay at ilang residente sa mga imbestigador na hinihinalang drug den ang pinangyarihan ng insidente.












