Patay ang isang pulis habang sugatan ang tatlo pa, kabilang ang deputy chief of police, matapos mauwi sa madugong engkuwentro ang buy-bust operation sa Sitio Talaptap, Barangay Talaptap, La Castellana, Negros Occidental noong Lunes ng gabi.
Kinilala ng Police Regional Office-Negros Island Region ang nasawing pulis na si Police Master Sgt. Davy Carampatana, 38-anyos, ng La Castellana Municipal Police Station.
Sugatan naman sina Police Capt. Michael Muñez, deputy chief ng La Castellana police; Police Corporal Gerson Guache; at suspek na si Edward Acupan, 41-anyos.
Ayon sa pulisya, nanlaban umano ang suspek at inatake ng patalim ang mga operatiba habang inaaresto.
Nakisali rin umano sa gulo ang 68-anyos na ina ng suspek at sinaksak ang mga pulis.
Nagtamo ng maraming saksak si Muñez at kasalukuyang nagpapagamot sa ospital habang minor injury naman ang tinamo ni Guache.
Naaresto ang ina ng suspek at mahaharap sa kaukulang kaso.
Nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P47,600, marked money, drug paraphernalia at mga patalim.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si PRO-NIR director Brig. Gen. Romano Cardiño sa pamilya ng nasawing pulis at tinawag itong bayani dahil sa sakripisyo nito sa serbisyo.












