DIRETSAHANG pinabulaanan ni Vanessa Bryant ang kumakalat na tsismis tungkol sa umano’y pagbubuntis niya at muling pag-aasawa.
Napilitan nang magsalita ang biyuda ni NBA legend Kobe Bryant matapos mag-viral online ang claim na may malaking pagbabago umano sa kanyang personal na buhay.
Sa kanyang Instagram story, ibinahagi mismo ni Bryant ang screenshot ng naturang rumor bago ito sinagot nang diretsahan.
“Can you guys decide already… am I pregnant for the 100th time or am I getting remarried?” ani Vanessa.
Mabilis na kumalat ang kanyang reaksiyon at naging panibagong pagkakataon ito na itinanggi niya ang mga hindi beripikadong ulat tungkol sa kanya.
Hindi na rin ito ang unang beses na kinontra niya ang pregnancy rumors matapos ding lumabas ang kaparehong usapan noong nakaraang taon.
Sa edad na 43, mas nakatuon si Vanessa sa pagpapalaki sa kanilang mga anak na sina Natalia, Bianka at Capri matapos ang trahedya ng helicopter crash noong 2020 sa Calabasas, California.
Sa naturang aksidente, nasawi si Kobe, anak nilang si Gianna at pito pang iba.
Kamakailan, nagbahagi rin si Vanessa ng emosyunal na tributes para sa kanilang wedding anniversary ni Kobe noong April 18 at kaarawan ni Gianna noong May 1.
Sa kabila ng patuloy na atensiyon ng publiko, nananatiling pribado si Vanessa sa kanyang personal na buhay habang matatag na pinipigilan ang pagkalat ng maling impormasyon. (Zeus Valdez)












