WebClick Tracer

Ilonggga hinagip korona ng MOA 10-Miler Run

TINUNGTUNGAN ni Edna Magtubo ang puntiryang maging miyembro ng pambansang koponan sa hinaharap nang pamayagpagan ang Rexona 10-Miler Run nitong Linggo ng umaga sa SM Mall of Asia grounds.

Tinuhog ng 22-anyos mula Iloilo City sa huling 5 kilometro ang African na si Pamela Bundotich upang ihanda ang sarili sa pambansang delegasyon na sasabak sa Asian Games bago matapos ang taon sa Aichi-Nagoya.

“Training ko na rin po para sa gaganaping National Open ng PATAFA (Philippine Athletics Track and Field Assn) sa Capas (Tarlac),” pahayag ng kasalukuyang UAAP Women’s Athletics MVP.

Itinala ni Magtubo ang 59:38 clocking upang biguin sina Bundotich (1:02:28) at pumangatlong Maricar Camacho (1:07:23).

Orihinal na laro ni Magtubo ang steeplechase bago lumipat ng disiplina. Nagwagi siya dalawang ginto at isang pilak para pangunahan ang Far Eastern University sa UAAP sa league-best 26th title noong nisang taon taon.

Hari sa 16km men si Kenyan Evans Bomer (51:56), kasunod sina Ricky Organiza (52:56) at Justwin Guerro (56:51).

Top 3 winner sa 5 km men sina Alfrence Braz (16:06), Dhem Aj Monton (16:16) at Arnold Villarube (17:04) habang sa women sina Asia Paraase (19:10), Meljoy Gonzales (19:20) at Mary Jane Pagayon (19:43).

1-2-3 sa 10km sina Noli Torre (32:51), Ritchie Estampador (33:09) at Reyniel Abel (35:53) sa men’s. Sina Joida Gagnao (39:01), Nicole Diloy (41:33) at Marjorie Denise Manguiat (45:27) sa sa distaff side.

Nagdagdag saya naman sa takbuhan ang malalaking raffle prizes at ang paglahok ng actor na si David Licauco sa pagbabalik sa pangalawang sunod na taon ng takbuhan na may yugto rin sa Visayas at Mindanao. (Lito Oredo)