WebClick Tracer

Onsehan sa shabu mag-aama, 1 pa todas

Bumulagta ang isang ama, tatlo niyang anak at isa pa matapos silang pagsasaksakin dahil umano sa onsehan sa bentahan ng shabu sa San Isidro, La Paz, Iloilo noong Sabado ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Johnny Provido Sr., 67, ang kanyang mga anak na sina Johnny Jr., 42, at Joven, 46 at si Tyrone Muya, 33, pawang mga residente sa nasabing lugar.

Samantala, sugatan naman ang mga kapatid ni Tyrone na sina Glenmark, 44 at Gilbert, 36 na kapwa ginagamot sa isang ospital.

Ayon kay Virginia, ina ng magkakapatid na Provido, nakainom ang kanyang anak na si Johnny Jr. nang sabihin nito na pupuntahan niya si Tami, kapatid ng nasawing si Tyrone, dahil hindi pa rin umano naibibigay sa kanya ang binili niyang shabu kahit bayad na ito.

Tatlong beses na bumalik si Johnny Jr. sa bahay ng mga Muya upang hanapin sina Tami at ang kinakasama nitong si Badoy pero wala umano ang mga ito sa bahay.

Sinabi ng ina ng mga Muya na hindi naman nakatira sa kanilang bahay sina Tami at Badoy.

Wala rin umano siyang ideya kung nagtutulak ang dalawa.

Sa hinalang itinatago ng matanda ang dalawa, nagwala ang batang Provido hanggang dumating ang ama at mga kapatid nito at nagkaroon ng komosyon sa lugar.

Hindi naman umano matukoy kung sino ang nagsimula ng pananaksak dahil sa bilis ng pangyayari pero may nakakita umano na dala ng magkapatid na Provido ang dalawang kutsilyo na narekober sa lugar.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Joven Escaniel)