Patay ang isang hinihinalang tulak habang apat pa ang naaresto matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at militar ang drug den sa Barangay Nabundas, Malidegao, sa loob ng Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) noong Huwebes.
Ayon sa PDEA-BARMM, nasawi sa operasyon ang target na suspek na kinilalang si alyas “Masrulag” matapos umanong makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.
Narekober sa lugar ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P136,000, pati ang baril na umano’y ginamit ng suspek.
Samantala, naaresto ang apat pang indibidwal na naabutan sa loob ng naturang drug den.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Jun Mendoza)












