BALIK si LeBron James para sa kanyang record 21st All-Star Game.
Sa nakalipas na dalawang dekada, main attraction si James sa bawat NBA All-Star Weekend.
Starter siya nang mag-debut sa All-Stars noong 2005, naging youngest MVP ng laro sa sumunod na season.
Habang sinasamantala ng mga kasabayan ang break para magpahinga, andu’n si LeBron at nagpapakitang-gilas sa midseason extravaganza.
Noong 2025, absent sa San Francisco si James. Akala ng kanyang haters, inabot na ng wear-and-tear ang 40-year-old body niya.
Wrong.
Higit isang buwan matapos ang 41st birthday, balik sa showcase si James. Hindi nga lang starter sa Intuit Dome sa Los Angeles sa Linggo (Lunes sa Manila).
Pabor sa Los Angeles Lakers star ang lokasyon ng All-Stars, malapit lang sa bahay niya – hindi na kailangang bibiyahe.
Leading scorer sa kasaysayan ng NBA si LeBron, leading scorer din sa All-Star Game history.
“Trying to figure out how to get some rest,” sagot ni James noong Huwebes nang matanong sa plano niya ngayong weekend. “Obviously, Sunday will be Sunday. Super grateful for that, to be a part of All-Star weekend and to be a part of the big game. And then try to find some rest.”
Binaon ni LeBron sa break ang isa pang milestone ng makulay nang career – oldest player na naglista ng triple-double.
Humarabas ang The King ng 28 points, 10 rebounds, 12 assists sa 124-104 victory ng Lakers kontra Dallas Huwebes ng gabi, 123rd triple-double ng career.
Papunta sa homestretch ng regular season, No. 5 sa West ang Lakers (33-21). (Vladi Eduarte)












