Bumulagta ang itinuturong lider at mastermind ng isang carnapping group matapos umano itong manlaban sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa Kidapawan City, Cotabato noong Martes ng gabi.
Kinilala ng Kidapawan City Police Office ang nasawing suspek sa alyas na “Bulldog.”
Ikinasa ang operasyon laban sa grupo nang magreklamo ang isa sa kanilang mga biktima na si ” Bryan”. Gayunman, sa halip na sumuko ay nanlaban at pinutukan nito ang mga pulis dahilan para gumanti ang mga ito.
Samantala, naaresto ang apat pang kasamahan ni Bulldog sa kanilang hideout sa Purok 6A, Estañol, Barangay Sudapin kung saan narekober ang dalawang nakaw na motorsiklo at ilegal na droga.
Kinilala ni Kidapawan PNP Chief Police Lt.Col. Argie Celeste ang mga ito na sina alyas “Enard”, 29 anyos; “Angelito”, 27 anyos; at dalawang utility worker ng barangay na sina “Alex”, 58 anyos at “Julse”, 38 anyos.
Sa loob ng nasabing kuta, nakumpiska ang nasa limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng halos ₱40,000 at mga drug paraphernalia.
Samantala, sinabi ng biktima na hindi umabot ng pitong minuto nang tangayin ng grupo ang kanyang bagong Suzuki Access motorcycle nang maiwan niya ang susi sa ignition habang naka-park malapit sa Kidapawan City National High School.
Positibo umanong nakilala ang mga suspek sa tulong ng CCTV footage kung saan makikitang tinangay ng grupo ang sasakyan ng biktima.
Ang grupo umano ang nasa likod ng mga tinatangay na sasakyan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.












