Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin sa loob ng minamaneho niyang sports utility vehicle (SUV) sa Santa Catalina, Ilocos Sur noong Huwebes ng gabi.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pinaputukan ang biktima ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin na sakay ng isang kotse at mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Nakabulagta na ang bangkay ng biktima sa labas ng sasakyan nang maabutan ng mga awtoridad.
Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala mula sa dalawang magkaibang kalibre ng baril.
Nakuha rin sa katawan ng biktima at loob ng sasakyan ang dalawang baril na may mga bala, ilang sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia.
Hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at inaalam din ng mga imbestigador kung sino ang may-ari ng SUV.
Isa sa mga sinisilip ng pulisya ang posibleng koneksyon ng krimen sa ilegal na droga. (Randy Menor)












