Sa gitna ng ulat na nakuha na ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang sapat na bilang ng senador na sumusuporta upang manatili itong lider ng Senado, ang mga chairmanship naman ng komite ang susunod na paglalabanan ng mga senador.
Naniniwala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na ang Senate Committee on Public Works ay mapupunta kay Sen. Mark Villar dahil dati itong naging kalihim ng Department of Public Works and Highways.
Ang Committee on Agriculture and Food na hinawakan ni dating Sen. Cynthia Villar noong 19th Congress ay maaaring mapunta naman kay Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at alinman sa dalawang komite ng education ay maaa¬ring mapunta kay Sen. Paolo Benigno “Bam” Aquino IV.
“Si Senator Mark dati siyang secretary ng DPWH, malamang maibigay sa kanya committee on public works. Si Sen. Kiko forte ay agri baka maibigay sa kanya committee on agriculture. Ganu’n lang ‘yun,” paliwanag ni Estrada sa interview ng DWIZ.
Binanggit pa ni Estrada na posibleng mga latak na komite na lang ang mapunta sa mga miyembro ng minority bloc.
Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na pareho niyang kaibigan sina Escudero at Sen. Vicente “Tito” Sotto III kaya nahihirapan siyang pumili kung sino ang ibobotong Senate president.









