Itutulak ni incoming Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang panukala para sa early retirement sa edad 39 lamang upang sa gayon ay matulungan ang mga nawalan ng trabaho o kaya ay gustong magnegosyo na lamang.
Ayon kay Sotto, isasampa niya sa pagbubukas ng 20th Congress sa Hulyo ang panukala para makapag-retiro na ang mga empleyado kahit 39-anyos pa lamang.
Aniya, nagsagawa sila ng pag-aaral kung saan lumalabas na 30% ng mga empleyado ang pabor sa early retirement bill na 39-anyos lamang.
“Mayroon na kaming study na ginawa tungkol diyan. Lumalabas sa study na ‘yun mga 30% will opt for early retirement kasi magkakapuhunan sila eh,” ani Sotto sa interview ng DWIZ nitong Sabado.
Binanggit pa ni Sotto na malaki ang nagagastos ng gobyerno sa personnel services lamang kaya kung maagang magreretiro ang maraming government employee ay malaki ang matitipid sa pambansang budget.









