Todas ang isang kalalaya pa lamang na lalaki at itinuturo ding talamak na tulak ng bawal na gamot matapos ratratin ng tatlong hindi pa nakikilalang salarin sa Purok Damayan 1, Brgy. Ibabang Dupay, Lucena City, nitong nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang biktima sa pangalang Glenn, 33 taong gulang, isang construction worker, tubong San Pablo City at residente ng nasabing lugar.
Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Ayon sa imbestigasyon ng Lucena City Police Station, alas-10:00 ng gabi habang naglalaba ang biktima sa labas ng kanyang bahay ay bigla na lamang itong nilapitan ng mga suspek at pinaulanan ng bala.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga salarin patungo sa hindi batid na direksyon.
Isinugod pa ang biktima sa Quezon Medical Center subalit binawian din ng buhay habang pilit na isinalba ng mga doktor.
Lumitaw na kalalabas pa lamang ng biktima noong Abril 2025 mula sa Lucena District Jail matapos makulong sa kasong pagnanakaw, at dati na rin siyang nasangkot sa iba pang krimen tulad ng grave threats at robbery.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang anim na basyo ng bala ng kalibre .9MM.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa krimen at mahuli ang mga suspek. (Ronilo Dagos)












