WebClick Tracer

Dating lespu utas sa tandem

BUMULAGTA ang isang dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) matapos itong ratratin ng hindi pa nakikilalang riding in tandem sa Purok Michelle, Barangay Dulao, Bago City, Negros Occidental noong Huwebes.

Tinukoy ang biktima na si alyas ‘Bernel’, residente sa Barangay Pacol, Bago City.

Sa ulat, nagmamaneho si Bernel ng kanyang motorsiklo nang dikitan siya ng mga suspek at saka niratrat, dahilan para sumemplang at matumba ito.

Narekober sa lugar ang iba’t ibang basyo ng bala na ipinutok sa biktima, isang handheld radio at cellular phone.

Itinumba umano si Bernel makalipas ang 10 taon matapos siyang madawit sa insidente ng pamamaril at pagkamatay ng kapwa niya pulis sa E.B. Magalona, Negros Occidental.

Nadismis ang nasabing kaso kaya hindi pa makumpirma ng pulisya kung may kinalaman ito sa pagkamatay ni Bernel.

Nasibak sa serbisyo si Bernel noong 2016 dahil sa pagiging Absent Without an Official Leave (AWOL).